Ayon sa manunulat na si Maggie Fergusson, ang kalungkutang dulot ng pag-iisa ay mas nakakapangilabot kaysa sa pagkawala ng tirahan, pagkagutom o pagkakaroon ng sakit. Idinetalye niya sa isang magasin ang pagtaas ng bilang ng mga taong nakakaranas ng matinding kalungkutang dulot ng pag-iisa. Nararanasan din daw ito ng sinumang tao anuman ang katayuan niya sa buhay.
Hindi na bago sa atin ang kalungkutang dulot ng pag-iisa. Mababasa natin sa Aklat ng Mangangaral sa Biblia ang hirap na dinaranas ng isang taong nag-iisa sa buhay. Mababasa rin sa aklat na ito ang kalungkutan ng isang taong walang makabuluhang relasyon sa iba (4:7-8). Ayon din sa aklat na ito, posible na magkaroon ng maraming kayamanan ang isang tao pero mananatili siyang malungkot dahil wala naman siyang mapag-iiwanan ng kanyang kayamanan.
Sinabi rin ng sumulat ng aklat na ito na mas mabuti ang may kasama kaysa sa mag-isa (Tal. 9); ang isang tao ay maaaring tulungan ng kanyang kasama (Tal. 10); mabibigyan din siya ng kaaliwan ng kanyang kasama (Tal. 11); at magiging kasangga ang isang kaibigan sa mahihirap na sitwasyon sa buhay (Tal. 12).
Kung nararamdaman mo na nag-iisa ka, idalangin mo sa Dios na tulungan ka Niyang magkaroon ng makabuluhang relasyon sa ibang tao. Tandaan mo rin na hindi ka nag-iisa dahil palagi mong kasama si Jesus (Mateo 28:20).