Isang dating palabas sa telebisyon ang Little House on the Prairie. May eksena sa programang ito kung saan nakita ng labing-dalawang taong gulang na si Albert na umiiyak si Mr. Singerman.
Tinanong ni Albert si Mr. Singerman kung bakit siya umiiyak. Sinabi ni Mr. Singerman na, “Umiiyak ako dahil tinuruan ako ng tatay at ng lolo ko na ayos lamang umiyak ang isang lalaki. Hindi kasi umiiyak ang ibang lalaki dahil tanda raw ito ng kahinaan. Pero hindi ganito ang itinuro sa akin. Ayos lang na umiyak ang isang lalaki dahil tao rin siya.”
Mababasa naman natin sa Biblia na umiyak si Jesus nang ikumpara Niya ang pagmamalasakit Niya sa Jerusalem sa isang inahing manok na nagkakanlong ng mga sisiw (Mateo 23:37). Maaaring naguguluhan ang mga alagad ni Jesus dahil minsan ay nagpapakita Siya ng katapangan at minsan naman ay umiiyak Siya. Pero iba ang pagpapakahulugan ni Jesus sa pagiging matapang. Nangyari uli ito nang kasama ni Jesus ang Kanyang mga alagad papuntang templo. Itinuro sa Kanya ng Kanyang mga alagad ang mga gusali ng templo. Pero sinabi ni Jesus na magigiba ito at walang maiiwang magkapatong na bato (24:1).
Ipinapakita sa atin ni Jesus na alam ng isang matatag na tao kung kailan siya iiyak at kung bakit siya umiiyak. Umiyak si Jesus dahil sa lubos na pagmamalasakit Niya sa mga taong hindi pa nararanasan ang Kanyang kagandahang-loob.