Pumunta si Warren sa isang maliit na bayan upang maging pastor sa isang simbahan doon. Matagumpay na nagsimula ang paglilingkod niya roon. Pero makalipas ang ilang panahon, may isang residente roon na gumawa ng kuwentong nag-aakusa kay Warren ng masasamang gawain. Nais pang ipalathala sa diyaryo ng taong ito ang ginawa niyang kuwento tungkol kay Warren. Nang mangyari ito, taimtim na nanalangin sa Dios si Warren at ang kanyang asawa. Mababago ang kanilang buhay kung paniniwalaan ng mga tao ang kasinungalingang kumakalat tungkol sa kanya.
Nakaranas din naman si Haring David ng ganitong paninirang-puri mula sa kanyang mga kalaban. Sinabi niya, “Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko. Lagi silang nagpaplano na saktan ako” (Salmo 56:5). Dahil dito, palaging natatakot at umiiyak si David (Tal. 8). Pero sa gitna ng kanyang pagsubok, idinalangin Niya sa Dios: “Kapag ako’y natatakot, O aking Dios na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala... sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot” (Tal. 3-4 MBB).
Maaaring maging halimbawa natin ang panalangin ni David. Lumapit tayo sa Dios sa tuwing natatakot tayo. Ipagkatiwala natin sa Kanya ang ating mga problema. Magtiwala tayo na kasama natin siya lagi sa ating pagharap sa bawat pagsubok.
Dininig nga ng Dios ang panalangin ni Warren. Hindi naging matagumpay ang paninira sa kanya. Ikaw, anong pagsubok ang hinaharap mo ngayon? Manalangin ka sa Dios at sasamahan ka Niyang harapin ito.