May sakit na epilepsy ang kapatid kong si Paul. Mas naging malubha ang karamdaman niya nang magbinata siya. Naging mahirap para sa kanya at para sa aking mga magulang ang kanyang sakit. May pagkakataon na halos mahigit anim na oras siyang inaatake ng epilepsy.
Walang mahanap na gamot ang mga doktor para maging maayos ang kanyang kalagayan. Kaya, laging taimtim na nananalangin ang aking mga magulang ng “Panginoon, tulungan N’yo po kami.”
Kahit na nakaranas ng sobrang hirap ang aking kapatid na si Paul at ang aking mga magulang, nakatanggap naman sila bawat araw ng sapat na kalakasang mula sa Dios. Nagpalakas din ng kanilang loob ang mga pangako ng Dios sa Biblia lalo na sa Aklat ng Panaghoy. Mababasa sa aklat na ito ang pagdadalamhati ni Propeta Jeremias sa pagkawasak ng Jerusalem dahil sa pananakop ng mga taga-Babilonia. Sa kabila ng lahat, hindi nawalan ng pag-asa si Jeremias. Lagi niyang inaalala na “ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Araw-araw ay ipinapakita Niya ang Kanyang habag” (Tal. 22-23).
Anuman ang pagsubok na hinaharap mo sa kasalukuyan, tandaan mo na matapat ang Dios. Binibigyan Niya tayo ng bagong lakas at pag-asa bawat araw. Dininig naman ng Dios ang aming panalangin nang magkaroon ng gamot na magpapagaling sa aking kapatid na si Paul. Sa tuwing nabibigatan na tayo sa mga pagsubok, tandaan natin na ang pag-ibig at awa ng Dios ay walang katapusan.