Likas sa mga bata ang pagiging masigla at masayahin. Ganoon din ang anak ko na si Xavier. Sa halip na matulog sa hapon, lagi niya akong kinukulit at kinukuha ang aking pansin sa mga bagay katulad ng pagkagutom, pagkauhaw at iba pa. Dahil naman sa ginagawa ni Xavier, minsan hindi ko na maramdaman ang kapayapaan. Alam ko ang kahalagahan ng kapayapaan, kaya naman tinutulungan kong huminahon si Xavier. Ipaghehele ko siya hanggang siya’y makatulog nang mahimbing.
Noong nagsisimula pa lamang ako magtiwala sa Panginoon, katulad din ako ni Xavier. Gusto ko rin na laging may ginagawa. Sinisikap kong maging abala sa lahat ng pagkakataon para hindi ko maisip ang aking mga problema. Sa panahon naman na nagpapahinga ako, naiisip ko na mahina ako. Iyon ang mga pagkakataong hindi ko pa lubusang ipinagkakatiwala sa Dios ang aking buhay.
Lumipas ang panahon, naintindihan ko na talagang mapagkakatiwalaan ang Dios. Kahit na nakakatakot at minsan hindi ko maintindihan ang nangyayari sa aking buhay, alam kong kasama ko ang Dios. Siya ang mag-iingat sa akin. Nakikinig ang Dios sa ating panalangin at kasama Siya sa lahat ng ginagawa natin... ngayon at magpakailanman (Salmo 91).
Kaya naman, hayaan nating ipadama ng Dios sa atin ang Kanyang pagmamahal at pag-iingat. Manatili tayo sa Dios na may kakayahang magligtas at magbigay ng tunay na kapahingahan sa atin (Tal. 4).