Minsan, nawala ang pinakamahal na kabayo ni Sai Weng. Pero hindi siya nakaramdam ng paghihinayang at sinabi niya “Baka naman mas makabubuti ito para sa akin.” Lumipas ang ilang araw, bumalik ang nawalang kabayo at may kasama pa itong isang kabayo. Dahil dito, nagsaya ang mga kaibigan ni Sai Weng habang siya naman ay nag-iisip na baka may mangyaring masama pagkatapos nito.
Tama nga ang hinala niya, pagkatapos lang ng isang araw, nabalian ng paa ang anak ni Sai Weng dahil sa pagsakay sa bagong kabayo. Lumipas ang ilang araw, dumating ang mga sundalo at naghahanap sila ng mga kalalakihan na makakasama nila sa digmaan. Hindi nakasali ang anak niya dahil sa aksidente. Iyon ang nagligtas sa kanyang anak mula sa kamatayan na dulot ng digmaan.
Mauunawaan natin sa kuwentong iyon na walang nakakaalam sa mga mangyayari sa ating buhay. Puwedeng may mangyaring masama sa atin ngunit magdudulot ito ng magandang pangyayari o kaya naman susundan ng masamang pangyayari ang mga magandang pangyayari.
Sabi nga sa aklat ng Mangangaral sa Biblia “Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang tao... ” (6:12). Ang Dios lamang ang nakakaalam sa mangyayari sa ating kinabukasan. Anuman ang ating pinagdaraanan, tandaan natin na hawak ng Dios ang ating buhay. Maganda man o masamang pangyayari, ipagkatiwala natin ito sa Dios dahil hindi Niya tayo pababayaan.