Madalas, tumutugtog ang isang banda kapag sasapit na ang pagbagsak ng snow sa Amerika. Sinabi ng isang miyembro ng banda “Tuwing nakakakita kami ng bumabagsak na snow, “Napapatigil ang mga tao dahil sa pagkamangha sa mga nakikita nilang snow. Sa unang pagbagsak ng snow, nakararamdam ang mga tao ng bagong simula.
Kung makikita natin ang unang pagbagsak ng snow, mapapatigil din tayo at hindi maiiwasang purihin ang Dios dahil sa kagandahan ng Kanyang nilikha.
May sinabi rin naman ang kaibigan ni Job na si Elihu tungkol sa mga nilikha ng Dios. “Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa Siya ng mga kahanga-hangang bagay...” (Job 37:5). “Inuutusan Niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas...” (Tal. 6). Hindi natin maiiwasang mamangha sa kagandahan ng nilikha ng Dios. Kaya sinabi rin ni Elihu na “Pinahihinto Niya ang tao sa kanilang gawain, upang malaman nila kung ano ang kaya Niyang gawin” (Tal. 7 MBB).
Dahil sa kagandahang taglay ng mga nilikha ng Dios, mapapahinto tayo dahil sa sobrang pagkamangha. Minsan naman, natatakot tayo kapag nakakaranas tayo ng lindol, baha at malakas na hangin na mula rin naman sa kalikasang nilikha ng Dios. Namamangha man o natatakot sa mga nilikha ng Dios, pasalamatan at papurihan pa rin natin ang Dios dahil Siya ang Dakilang lumikha.