Ipinangako nina Warren Buffet, Bill at Melinda Gates na ibibigay nila ang kalahati ng kinita nila bilang donasyon sa itinayo nilang Giving Pledge. Halos 92 bilyong dolyar na ang kanilang ibinigay noong taong 2018. Dahil doon, nagsiyasat ang psychologist na si Paul Piff tungkol sa pagbibigay ng donasyon. Ayon sa pag-aaral niya, mas malaki nang 44% ang ibinibigay na pera ng mga mahihirap kumpara sa mga mayayamang tao. Kung sino pa ang kinakapos sa buhay, sila pa ang mas nagbibigay sa kapwa.
Napansin din ito ni Jesus nang makita Niya ang pagbibigay ng mga tao sa templo (Marcos 12:41). Nagbigay ang mga mayayaman ng malaking halaga habang ibinigay naman ng mahirap na biyudang babae ang kanyang natitirang barya. Siguro ikinagulat ni Jesus ang Kanyang nasaksihan.
Kaya naman, sinabi niya sa Kanyang mga tagasunod na “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay” (Tal. 43). Hindi ito maintindihan ng mga tagasunod ni Jesus kaya sinabi Niya na “Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay” (Tal. 44).
Darating ang panahong kakapusin tayo sa pera, pero magbigay pa rin tayo sa Dios. Katulad ng ginawa ng biyuda, maliit man ang ibibigay nating halaga, ibibigay natin ito nang buo at may kagandahang loob. Sa ganitong paraan ng pagbibigay, matutuwa ang Dios.