Minsan, habang naglalakad ako sa lugar namin, may isang batang nagpakilala, “Ako nga po pala si Genesis, anim na taong gulang.” Ang sagot ko naman, “Ang ganda naman ng pangalan mo, alam mo ba na isang aklat ang Genesis sa Biblia?” “Ano po ang Biblia?” sagot naman niya. Sabi ko kay Genesis, “Sa Biblia, mababasa natin kung paano ginawa ng Dios ang ating mundo, at saka kung paano rin ginawa ng Dios tayong mga tao.
Mababasa rin natin sa Biblia kung gaano tayo kamahal ng Dios.” “Bakit po ginawa ng Dios ang mundo at mga tao? At saka nabanggit po ba ako sa Biblia?” Napangiti naman ako sa tanong na ito ni Genesis.
Hindi man nabanggit at nabigyang diin sa Biblia ang ating mga pangalan, mababasa naman natin na pinahahalagahan pa rin tayo ng Dios. Mababasa kasi sa aklat ng Genesis kung paano tayo nilikha ng Dios, “Kaya nilikha ng Dios ang tao, lalaki at babae ayon sa wangis Niya” (Tal. 27). Mababasa rin natin kung paano naglakad ang Dios kasama ng tao sa isang hardin at sinabihan na sumunod at huwag sumuway sa utos ng Dios (Kab. 3). Ipinakita rin naman ng Dios ang Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng kamatayan ng Kanyang Anak na si Jesus doon sa krus.
Sa pagbabasa natin ng Biblia, gusto ng Dios na makilala natin Siya. Gusto ng Dios na makausap tayo. Gusto ng Dios na malaman natin na pinapahalagahan Niya tayo.