Ilang taon na ang lumipas nang napagtanto ni Dr. Jerry Motto ang kahalagahan ng mga sulat na nagpapahayag ng pagmamalasakit. Nalaman niya ito noong nagbigay siya kasama ng kanyang mga katrabaho ng mga sulat sa mga pasyenteng nagtangkang magpakamatay. Halos kalahati sa mga nakabasa ng sulat na naglalaman ng pagmamalasakit ay hindi na nagtangkang magpakamatay pa. Hanggang ngayon naman, nagpapadala pa rin ang mga doctors at nurses ng mga sulat sa mga pasyente para palakasin ang kanilang loob.
Sa Biblia naman, mayroong 21 sulat na para sa mga sumasampalataya kay Jesus. Ang ilang liham ay tungkol sa pagmamalasakit. Ang iba naman ay mga liham tungkol sa pagtitiwala at pagpupuri sa Dios na isinulat ng mga Apostol na sina Pablo, Santiago at Juan. Isinama rin nila kung paano natin malalagpasan ang mga problemang kinakaharap natin. Para naman sa mga nagtitiwala kay Jesus na inuusig sa Roma, sumulat din ang Apostol Pedro para sa kanila.
Ipinaalala ni Pedro na mahalaga sila para sa Dios, “Ngunit kayo’y mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging Kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga Niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga Niyang kaliwanagan” (1 Pedro 2:9). Dahil doon, lalo pang lumakas ang kanilang loob para magpatuloy na magtiwala sa Dios.
Ginabayan ng Dios ang mga sumulat ng Biblia para bigyan tayo ng pag-asa at maipakita ang Kanyang pagmamalasakit sa atin. Kaya naman, alalahanin natin na may sulat para sa atin ang Dios na maaari nating basahin.