Naranasan mo na ba ang mapagod sa isang bagay kahit gusto mo iyong gawin? Naranasan ko iyon. Ako kasi ang nag-aalaga sa aking nanay na may sakit na kanser. Inaasikaso ko ang kanyang pang araw-araw na pangangailangan, hanggang sa dumating ang panahon na unti-unti akong napagod at nagpadala sa kalungkutan. Pero kung magpapadala ako sa mga nararamdaman kong ito, paano ko maaalagaan nang mabuti ang aking nanay?
Minsan may isang kaibigan ang nagbigay sa akin ng balabal na may nakaburdang panalangin. Sa tuwing ginagamit ko ito, naaalala ko na may nananalangin para sa akin at hindi ako nag iisa sa pagsubok na kinahaharap ko.
Mababasa naman natin sa Biblia na madalas din nakikiusap si Apostol Pablo na idalangin siya sa kanyang paglalakbay. Sinabi rin niya na ang pananalangin para sa isa’t isa ay nakatutulong para mas lalong magpatuloy ang isang tao sa kanyang relasyon sa Dios. Ipinapakita ni Pablo na mahalaga ang paghingi ng panalangin mula sa iba. Nakikinig at tumutugon naman ang Dios sa ating mga panalangin (Roma 15:30-33).
Darating ang panahon na makararanas tayo ng kalungkutan. Ngunit dahil sa pananalangin natin para sa isa’t isa, mayroon tayong karamay na magpalalakas ng ating loob na magpatuloy at magtiwala lamang sa Dios.