Matagal nang nagtatrabaho ang aking ama sa pagwawasto sa mga nakasulat sa libro. Hindi lamang para humanap ng mali kundi para maging maayos at malinaw sa mga mambabasa ang isang libro. Napansin ko rin na mabait ang aking ama sa kanyang pagwawasto. Sa halip na kulay pulang tinta ang gamit niya sa pagmamarka ng mali, ginagamit niya ang kulay berde. Para kasi sa kanya, hindi sasama ang kanilang loob kung kulay berde ang gagamitin niya.
Pinupuna rin ni Jesus ang mga taong minamahal Niya. Minsan, parang marahas ang pagpupuna ni Jesus katulad ng ginawa niya sa mga Pariseo dahil mapagmataas sila (Mateo 23). Minsan naman mahinahon ang kanyang pagpupuna tulad ng ginawa Niya sa Kanyang kaibigan na si Marta (Lucas 10:38-42). Bagamat hindi maganda ang tugon ng mga Pariseo sa pagpuna ni Jesus sa kanila, tinanggap naman ito ni Marta.
May mga taong tinatanggap ang pagpupuna, mayroon din namang nagagalit kapag pinupuna, siguro dahil na rin sa pagiging mapagmataas sa sarili. Ngunit sinasabi sa Kawikaan sa Biblia na nagpapakita ng karunungan ng tao ang pagtanggap ng kanyang kamalian (15:31-32).
Ang pagwawasto at pagpupuna ng Dios sa ating mga pagkakamali ay dahil sa Kanyang pagmamahal. Ang mga taong binibigyang halaga ang pagpupuna ay nagpapakita ng karunungan (Tal. 31-32), habang ang iba naman na winawalang halaga ito ay mapapahamak (Tal. 10).