Sa isang radyo, nagpahayag ng pasasalamat ang isang lalaki sa mga kilalang nagtitiwala rin sa Dios dahil sa naging magandang resulta sa operasyon ng kanyang asawa. Sinabi niya na “nagpapasalamat ako sa mga kasama kong sumasampalataya sa Dios dahil tinulungan nila kami sa oras na kami’y nangangailangan.”
Sinabi naman ni Pedro sa kanyang sulat na mahalin natin ang kapwa at maging laging bukas ang tahanan para sa isa’t isa. Sinabi rin niya na paglingkuran natin ang bawat isa para sa ikabubuti ng lahat (1 Pedro 4:8-10).
May inutos din si Apostol Pablo sa sulat niya sa mga taga-Roma na tulungan natin ang mga kapwa sumasampalataya sa Dios sa oras na mangailangan sila ng tulong (Roma 12:13). Ito ang mga sinasabi ng mga lingkod ng Dios kung anong mga dapat gawin para makita sa buhay natin ang pagmamahal ng Dios sa mga nagtitiwala sa Kanya.
Darating ang panahon na maipapakita at maipaparamdam natin ang pagmamahal ng Dios sa mga tao sa pamamagitan ng pagtulong natin sa kanila.