Minsan, pinapanood ko ang aking mga apo kung paano nila binubunot ang mga ligaw na damo sa hardin. Sinisikap nila na isama ang ugat sa pagbunot ng mga damo. Kaya naman natuwa ako dahil iyon ang tamang gawin. Ganoon din naman sa kasalanan. Kailangan natin ng tulong ng Dios para mahanap at matanggal ang pinagmulan ng kasalanan. Sabi nga ni Haring David sa kanyang Salmo “O Dios, siyasatin N’yo ako, upang malaman N’yo ang nasa puso ko… Tingnan N’yo kung ako ay may masamang pag-uugali, at patnubayan N’yo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman” (139:23-24).
Sinabi rin niya “Panginoon, siniyasat N’yo ako at kilalang-kilala. Nalalaman N’yo kung ako ay nakaupo o nakatayo. Kahit na Kayo ay nasa malayo, nalalaman N’yo ang lahat ng aking iniisip” (Tal. 1-2). Kilala tayo ng Dios, wala tayong maitatago sa Kanya. Kaya naman lumapit tayo sa Dios para matulungan tayong maitama ang ating pagkakamali.
Alam ng Dios ang lahat ng ating ginawa, ginagawa at gagawin; ang ating nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan. Kaya naman sinabi ni David “Ang pagkakilala N’yo sa akin ay tunay na kahanga-hanga, hindi ko kayang unawain” (Tal. 6)
Dahil alam ng Dios ang lahat, napatanong si David, “Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu? Saan ba ako makakapunta na wala Kayo?” (Tal. 7). Kaya naman sumunod tayo sa Dios at ipagkatiwala sa Kanya ang lahat.