Kinikilala na isa sa pinakamahusay na mangangaral ng Salita ng Dios si George Whitefield (1714-1770). Libu-libong mga tao ang nagtiwala sa Panginoong Jesus sa pamamagitan ng ginagawa niyang pagpapahayag ng tungkol sa kaligtasang inaalok ng Dios.
Gayon pa man, marami ang tumutuligsa sa ginagawa ni George. Pero naipahayag ni George ang kanyang tugon sa mga nagsalita sa kanya ng masasakit sa pamamagitan ng isinulat niya sa kanyang lapida. Nakasulat doon na handa siyang humarap sa paghuhukom ng Dios sa kanyang mga ginawa dito sa lupa. Nakasulat pa roon, “Si Goerge Whitefield ang nakalibing dito. Darating ang panahon na malalantad sa lahat ang kanyang mga ginawa at kung anong katangian ang mayroon siya.”
Sa Lumang Tipan naman ng Biblia, mababasa natin na nakaranas din si Haring David nang masasakit na pananalita mula sa iba. Gayon pa man, ipinagkatiwala niyang lahat sa Dios ang mga ito. Nang akusahan ni Haring Saul si David noon na nangunguna sa mga rebelde, napilitang tumakas si David. Sinabi niya, “Napapaligiran ako ng mga kaaway, parang mga leong handang lumapa ng tao. Ang mga ngipin nila’y parang sibat at pana, mga dila’y kasintalim ng espada” (Salmo 57:4). Pero kahit nasa ganoon siyang kalagayan, patuloy si David na nagtiwala sa Dios. Sinabi pa ni David, “Ang pag-ibig [ng Dios] at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan” (Tal. 10).
Sa mga pagkakataon na iniwan at hindi tayo nauunawaan ng iba, alalahanin natin na ang Dios ang ating kanlungan (Tal. 1). Kaya naman, purihin at sambahin natin ang Dios sa Kanyang hindi nagmamaliw na kahabagan at pagmamahal sa atin.