Minsan, nagbakasyon kaming pamilya kasama ang aking mga apo. “Tingnan mo po ako Lola sa aking pagsasayaw,” sigaw ng tatlong gulang kong apo habang masaya siyang patakbo-takbo sa aming tinutuluyan. Sinabi naman ng kuya niya, na hindi siya sumayaw kundi tumatakbo lang. Pero masayang-masaya at hindi nagpapigil sa pagsayaw ang aking apo.
Masayang-masaya din naman noon ang mga tao noong pumasok ang Panginoong Jesus sa Jerusalem. Buong galak na sumisigaw ang mga tao na, “Purihin ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!” (Mateo 21:9). Gayon pa man, marami sa mga taong ito ang inaasahan na ililigtas at palalayain sila ni Jesus sa pananakop ng mga Romano. Hindi nila inaasahan ang isang Tagapagligtas na ililigtas sila sa kaparusahan sa kasalanan.
Nang araw ding iyon, kahit galit na galit ang punong pari sa ginawa ni Jesus, makikita ang kagalakan ng mga bata. Masayangmasaya silang sumisigaw ng, “Purihin ang Anak ni David!” (Tal. 15). Patakbo-takbo rin sila sa templo habang nagpupuri at sumasamba sa Dios. Sinabi ni Jesus sa mga namamahalang pari sa templo, “Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa Kanya?” (Tal. 16). Nalalaman ng mga bata na kasama nila ang Tagapagligtas!
Hinihikayat din naman tayo ni Jesus na tingnan natin Siya. Kung gagawin natin ito, matutulad tayo sa mga bata na may nag-uumapaw na kagalakan kasama ang Dios.