Mahabang panahon at pag-aaral ang ginugol ng Harvard Study of Adult Development upang lubos na maunawaan ang magandang bunga ng pagkakaroon ng maayos na relasyon sa iba.
Sinimulan ang pag-aaral nila noong 1930. Kinakapanayam nila ang iba’t ibang tao at sinusuri ang kanilang mga talaan na may kinalaman sa kanilang kalusugan. Nadiskubre nila na malaking bahagi upang matukoy na masaya ang isang tao at maayos ang kalusugan nito kung maayos ang kanilang relasyon sa iba. Ipinapahiwatig nito na kapag napapaligiran tayo ng mga taong nagmamahal at mayroong maayos na relasyon sa atin ay makakaranas tayo ng lubos na kagalakan.
May pagkakatulad naman ito sa sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga Filipos. Habang nasa bilangguan noon si Pablo ay sumulat siya sa mga taga Filipos na lubos siyang nagpapasalamat sa Dios sa tuwing naaalala niya sila sa kanyang pananalangin (Filipos 1:4). Pero hindi lamang mga kaibigan ang tinutukoy ni Pablo sa kanyang sinabi. Sa halip, mga kasama niya na mga nakay Cristo na rin at tumanggap ng kagandahang-loob ng Dios (Tal. 7). Ito ang maayos na relasyon na hinubog ng pagmamahal ng Dios at ng Magandang Balita na kanilang narinig.
Totoong importante ang ating mga kaibigan. Pero ang mga tunay na nakay Cristo Jesus ang siyang makapagbibigay sa atin ng tunay na kagalakan. Ang kagandahang-loob mismo ni Jesus ang Siyang magbubuklod sa atin. At kahit dumating man ang matinding pagsubok sa buhay, magagawa pa rin nating magalak dahil sa ating maayos na relasyon sa iba.