Marami tayong matututunan sa mga obrang ginawa ng sikat na pintor na si Michelangelo tungkol sa buhay ng Panginoong Jesus. Noong 1540, gumawa ng simpleng larawan si Michelangelo para sa kaibigan niyang si Vittoria Colona. Makikita sa larawan ang namatay na si Jesus habang karga ng kanyang ina na si Maria. Makikita rin sa likuran ni Maria ang isang krus na may nakasulat na “Hindi nila alam ang halaga ng dugo ni Jesus.” Totoo ang sinabing ito ni Michelangelo. Kaya naman, sa tuwing pinagbubulayan natin ang kamatayan ni Jesus, maalala nawa natin ang halaga na Kanyang ginawa para sa atin.
Makikita naman natin ang halaga ng binayaran ni Jesus noong nakapako Siya sa krus at sinabing “Tapos na!” (Juan 19:30). Hango sa salitang Griego na Tetelestai na ang sinabi ni Jesus na ‘tapos na’.
Ginagamit ang salitang ito noon upang ipaalam na nabayaran na ang utang, natapos na isang proyekto, tapos nang ihandog ang alay at natapos na ang isang obra. Anuman ang nais iparating nito, lahat ito ay sakto ang ipinapahiwatig sa ginawang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay doon sa krus. Sinabi ni Apostol Pablo, “Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan Niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo” (Galacia 6:14).
Isang matibay na ebidensya na mahal tayo ng Dios ang ginawang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay sa krus. Kaya naman, patuloy natin Siyang pasalamatan at sambahin. Lagi nating alalahanin ang Kanyang ginawa at mahalin natin Siya.