Gustung-gusto ng tatay ko ang umawit ng mga himno. Isa sa pinakapaborito niya ang himno na “Doon sa Hardin”. Inawit namin ang himnong ito noong ibinurol ang aking tatay. Simple lang ang sinabi sa koro ng kanta. Sinasabi roon na kasama natin ang Dios, kinakausap Niya tayo at sinasabi ng Dios na anak Niya tayo. At ang kagalakang dulot nito ay hindi mapapantayan. Tunay na nakapagbibigay ng galak sa aking tatay ang awiting iyon.
Sinabi naman ng sumulat ng himno na si C. Austin Miles na isinulat niya ang kantang iyon noong nabasa niya ang Aklat ni Apostol Juan sa Biblia. Sinabi ni Austin na noong nabasa niya ang kabanatang 20 ng Aklat ni Juan ay pakiramdam niya na nandoon siya mismo at nasasaksihan ang pangyayaring nakita ni Maria ang muling nabuhay na si Jesus.
Sa Juan 20, malalaman naman natin na umiiyak si Maria na taga Magdala malapit sa libingan ni Jesus. Doon ay may nakausap siya at nagtanong sa kanya kung bakit siya umiiyak. Nang malaman ni Maria na si Jesus pala ang kanyang nakausap, napalitan ng labis na galak ang kanyang lungkot na nadarama. Agad din niyang ibinalita sa mga tagasunod ni Jesus na muling nabuhay ang Panginoon (Tal. 18).
Bilang mga nagtitiwala sa Panginoong Jesus, pinatawad na tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Nagkaroon din tayo nang maayos na relasyon sa Dios at kasama natin ang Banal na Espiritu sa ating buhay. Kaya naman, nakapagpapalakas ng loob ang malaman na kasama natin Siya sa paglakad sa buhay na ito.