Nang magtiwala sa Panginoong Jesus ang sikat na manunulat na si C. S Lewis, hindi niya agad makayang purihin ang Dios. Sinabi ni Lewis na nahirapan siyang purihin ang Dios dahil hinihingi ng Dios na gawin ito para sa Kanya. Gayon pa man, napagtanto ni Lewis na sa pamamagitan ng ating pagsamba at pagpupuri sa Dios ay ipinapadama ng Dios ang Kanyang pagkilos sa buhay ng mga sumasampalataya sa Kanya. Kaya naman, nakakasumpong tayo ng kagalakan sa tuwing nagpupuri sa Dios.
Bago pa man mapagtanto ni Lewis ang tungkol sa bagay na ito, nalalaman na ito ni Propeta Habakuk maraming taon na ang nakalilipas. Nagreklamo noon si Habakuk sa Dios dahil sa nangyayaring kasamaan sa mga Israelita. Pero, natutunan ni Habakuk na nagdudulot nang kagalakan ang pagpupuri niya sa Dios. Hindi nagpupuri sa Dios si Habakuk dahil sa ginawa ng Dios kundi dahil kung sino Siya. Kaya anuman ang nararanasan ng kanilang bansa ay nananatiling Dakila ang Dios.
Sinabi ni Propeta Habakuk, “Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo,…at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan, magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin” (3:17-18).
Tulad ng napagtanto ni Lewis at ni Habakuk, makakasumpong tayo ng kagalakan sa tuwing nagpupuri tayo sa Dios. Siya na lubos na makapangyarihan at ang Kanyang pamamaraan ang masusunod sa walang hanggan (Tal. 6).