Mahusay sa maraming bagay si Spencer na mas kilala sa tawag na Spence. Isa siyang kampeon sa paligsahan ng pagtakbo. Wala siyang binayaran ng kahit na magkano noong nag-aral siya sa isang sikat na paaralan. At nakatira siya ngayon sa isang malaking siyudad na kung saan nirerespeto siya ng marami dahil sa kanyang kahusayan sa trabaho.
Pero, kung tatanungin mo si Spence tungkol sa kanyang mga natamong tagumpay, hindi niya ikukuwento ang tungkol sa mga bagay na iyon. Sa halip, masaya niyang ikukuwento ang tungkol sa tinutulungan niyang mga pinakamahihirap na bata sa bansang Nicaragua upang makapag-aral. Ikukuwento niya rin kung paano nagkaroon ng magandang epekto sa kanyang buhay ang paglilingkod sa pinakahamak na tao sa lugar na iyon.
Ang mga katagang ‘ang pinakahamak sa lahat’ ay nagpapakita ng kalagayan ng tao sa ating lipunan. Sila ang mga lalaki, babae o mga bata na hindi masyadong pinapansin ng lipunan o tuluyan nang kinalimutan ng marami.
Gayon pa man, makikita kung paano pinahahalagahan ni Jesus ang mga taong ito. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, nang ginawa n’yo ito sa pinakahamak Kong mga kapatid, para na rin n’yo itong ginawa sa Akin” (Mateo 25:40). Hindi mo kailangan ng mataas na pinag-aralan mula sa sikat na unibersidad upang maunawaan ang nais iparating ni Jesus na paglingkuran ang pinakahamak sa lahat. Sa halip, kailangan mo lamang ng isang tapat puso na nais maglingkod.