Hawak-kamay kaming naglalakad ng bulilit kong apo para bumili ng kanyang bagong damit. Papasok na kasi siya sa unang pagkakataon sa eskuwela. Kaya naman, nasasabik siya sa maraming bagay. Gusto ko rin malubos ang kaligayahan ng aking apo. Kaya, nang mabasa ko sa daan ang isang nakasulat, “Ang mga Lola ay mga inang punong-puno ng kagalakan.” Tingin ko, ito talaga ang kailangan kong gawin bilang Lola ng apo ko.
Sa ikalawang sulat naman ni Apostol Pablo kay Timoteo, ipinahayag ni Pablo ang pagpapasalamat kay Lois na lola ni Timoteo at kay Eunice na kanyang ina (2 Timoteo 1:5). Nagpasalamat si Pablo dahil sa tapat nilang pananampalataya kay Jesus na siyang naging dahilan upang sumampalataya rin naman si Timoteo.
Ibinigay ni Lois at Eunice ang lahat ng pangangailangan ni Timoteo pero ang mamuhay nang may pagtitiwala sa Dios ang lubos nilang ipinakita kay Timoteo. Kaya naman, ang tapat na pananampalataya ng kanyang lola at ina ang naging maliwanag na daan para kay Timoteo upang makapamuhay siya na nagtitiwala sa Dios.
Isa naman sa responsibilidad ko bilang lola ay ang ibili ng bagong damit ang aking apo. Pero higit pa roon ang ginagawa ko para maipahayag ko sa kanya ang aking pagtitiwala kay Jesus. Lagi ko siyang tinuturuan na manalangin muna bago kumain. Ipinapakita ko sa kanya kung gaano makapangyarihan ang Dios sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha. Sabay din kaming umaawit ng papuri sa Dios at nagkakabisado ng mga talata sa Biblia. Tulad nila Eunice at Lola Lois, maging magandang halimbawa nawa tayo sa iba bilang mga mananampalataya.