Sa tuwing magbibiyahe ako papunta sa ibang bansa, sinisikap kong hindi magkaroon ng tinatawag na jet lag. Malaki kasi ang epekto nito sa aking katawan. Nangyayari ito dahil sa mahabang oras na biyahe sa eroplano. Minsan, sinubukan kong hindi kumain ng hapunan.
Habang kumakain ang lahat sa loob ng eroplano, nanonood naman ako ng mga pelikula para makatulog. Oras kasi ng pagtulog sa bansa na pupuntahan ko. Kaya naman, pagbaba ko sa bansa kung saan ako pupunta, nakaayon ang kundisyon ng aking katawan sa tamang oras ng bansang iyon. Naging epektibo ang ginawa ko na iaayon sa oras ng bansa kong pupuntahan ang aking gagawin.
Nalalaman din naman ni Apostol Pablo na kung nais mamuhay ng mga sumasampalataya kay Jesus nang ayon sa nais ng Dios, kailangan nilang mamuhay na salungat sa ginagawa ng mundo. Ipinaalala pa ni Pablo na “Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay n’yo na naliwanagan na kayo” (Efeso 5:8). Paano ba tayo makakapamuhay ayon sa sinabi ni Pablo? Sinabi pa ni Pablo, “Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag” (Tal. 9).
Parang mali sa paningin ng mga kasama ko sa eroplano ang ginawa kong pagtulog sa panahon ng hapunan. Pero dapat namumuhay tayong mga mananampalataya nang salungat sa ginagawa ng mundo. Maaaring may sasalungat o mangungutya sa ating pagsunod sa nais ng Dios. Gayon pa man, magagawa nating mamuhay “nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo” (T. 2).