Nagpalaro si Karen na isang guro sa kanyang mga estudyante. Tinawag niya ang larong ito na “Baggage Activity” na kung isusulat ng mga estudyante sa isang papel ang kanilang mga nararamdamang kasalukuyang nagpapahirap sa kanila. Ginawa ni Karen ang larong ito upang maunawaan ng kanyang mga estudyante ang isa’t isa.
Hindi man alam ng mga estudyante niya ang mismong nagsulat ng kanilang mga pinagdaraang mabibigat na problema, natutunan naman nilang irespeto at maging maawain sa kanilang kaklase. Nakatulong din iyon para maging mapagmalasakit sila sa iba.
Mababasa naman natin sa Biblia na hinihikayat ng Dios ang mga sumasampalataya sa Kanya na pakitunguhan nang maayos at magmalasakit sa iba (Roma 12:15). Mula pa sa unang mga Israelita, itinuro na ng Dios na pagmalasakitan ang kanilang kapwa lalo na ang mga dayuhan. Sinabi ng Dios, “Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto” (Leviticus 19:34).
Minsan din naman pakiramdam natin mga dayuhan tayo dahil nag-iisa tayo at hindi nauunawaan ng iba. Lalo na kung mga mahal pa natin sa buhay ang nagpaparamdam nito sa atin. Gayon pa man, magagawa pa rin nating igalang at unawain ang mga taong ganito ang ipinaparamdam sa atin. Humingi tayo ng tulong sa Dios para magawa natin ito tulad ng pagtulong Niya noon sa mga Israelita at maging sa pagtulong Niya sa mga estudyante ni Karen. Mapaparangalan natin ang Dios kung magagawa nating pagmalasakitan at igalang ang iba.