Muling pinagbulayan ni Beata kung paano niya nagawang patawarin si Manasseh na pumatay sa kanyang asawa at ilang anak. Sinabi ni Beata, “Hindi ko siya napatawad sa sariling kakayahan ko. Sa halip, sa tulong ni Jesus na siyang nagpatawad sa akin ang dahilan kung bakit nagawa ko siyang patawarin. Katulad ng pagtatagumpay ni Jesus sa krus, nagawa ko ring magtagumpay.”
Inalala pa ni Beata ang ginawang sulat ni Manasseh na naglalaman nang lubos nitong pagsisisi sa nagawang kasalanan. Nakasaad din doon ang labis na pagmamakaawa ni Manasseh na patawarin siya ni Beata. Sa simula, hindi talaga makaya ni Beata na magpatawad. Dahil sobra ang nararamdaman niyang galit. Gayon pa man, tinulungan siya ni Jesus habang patuloy na pinagbubulayan ang Salita ng Dios. Makalipas ang dalawang taon, lubos na pinatawad ni Beata si Manasseh.
Makikita naman sa ginawang pagpapatawad ni Beata ang iniutos ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad na patawarin ang mga nagsisisi sa kanilang nagawang kasalanan. Sinabi ni Jesus, “Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo” (Lucas 17:4). Pero hindi madali ang magpatawad. Kaya naman, humingi ng tulong ang mga alagad ni Jesus at sinabi, “Dagdagan po Ninyo ang pananampalataya namin” (Tal. 5).
Tumatag ang pananampalataya ni Beata sa patuloy niyang paghingi ng tulong sa Dios dahil sa kawalan niya ng kakayahan na magpatawad. Gayon din naman, kung nahihirapan tayong magpatawad, humingi tayo ng tulong sa Dios. Gagabayan at bibigyan tayo ng Banal na Espiritu nang kakayahan na magpatawad.