Minsan, nagtanong ang isang dayuhan sa isang nayon na nasa paanan ng Bundok ng Himalayas. Nagtanong ito sa taong gumagabay sa kanya paakyat ng bundok kung bakit karamihan sa mga bahay doon ay walang mga bintana. Sinabi naman nito na natatakot ang mga nakatira roon na baka pasukin ang bahay nila ng mga demonyo.
Kaya naman, mapapansin mo rin daw agad kung sino ang mga nagtitiwala kay Jesus sa lugar na iyon dahil sila lamang ang may mga bintana sa bahay. Sa pamamagitan naman daw kasi ng bintana ay pumapasok ang liwanag na nagmumula kay Jesus.
Umaasa din naman noon ang mga Israelita sa kanilang matataas at matitibay na pader upang maligtas. Pero, nais ng Dios na sa Kanya lamang umaasa ang mga Israelita. Makapangyarihan ang Dios na Siyang lumikha ng lahat ng bagay at sa Kanyang Salita napapanatili ang lahat (Isaias 55:10). Kung magsisisi at magtitiwala sa Dios ang mga Israelita, patatawarin sila ng Dios (Tal. 7). Pagpapalain din sila at ang lahat ng bansa sa pamamagitan nila (Genesis 12:1-3). Magdiriwang ang mga Israelita dahil, “Ang mga pangyayaring ito’y magbibigay ng karangalan sa [Dios]. Magiging tanda ito magpakailanman ng aking kapangyarihan” (Isaias 55:13).
Kailangan din naman natin ang mga pader para maging matibay ang ating bahay. Pero higit na mabuti kung may mga bintana ito. Ipinapakita rin nito sa iba na nagtitiwala tayo sa Dios. Kaya naman, kahit marami tayong kinakatakutan, lagi nating alalahanin na mas makapangyarihan ang Dios sa ating mga kinatatakutan. Si Jesus ang liwanag na magbibigay sa atin ng kakayahan upang mapag-tagumpayan ang ating mga kinatatakutan (Juan 8:12).