Noong anim na taong gulang pa lamang si James Barrie, namatay ang kuya niyang si David. Namatay si David sa isang aksidente. Sa mga nagdaang taon, lubos na nangulila ang kanyang mga magulang. Pero naisip din ng mga magulang ni James na mapalad ang kanilang anak na si David dahil hindi na ito haharap sa mga pagsubok sa buhay. Sumulat naman ng isang aklat para sa mga bata si James tungkol sa isang bata na hindi tumatanda. Pinamagatan niya itong, “Peter Pan”. Sinabi sa aklat, “Ang buhay ay parang isang bulaklak na tumubo sa mga siwang ng sementadong lupa. May magandang nangyayari sa kabila ng mga paghihirap sa buhay.”
Nakapagbibigay naman ng lakas ng loob ang malaman na magagawa ng Dios na magkaroon ng magandang resulta ang mga pinagdaraanan nating kahirapan sa buhay. Ganito rin naman nailarawan ang buhay ni Naomi sa Lumang Tipan ng Biblia. Namatay noon ang dalawang anak ni Naomi at naiwan siyang mag-isa.
Pero pinili ni Ruth na manugang ni Naomi ang manatili at suportahan si Naomi sa kanyang pangangailangan at sumamba sa Dios ng Israel (Ruth 1:16). Kumilos din ang Dios sa hindi pangkaraniwang paraan at napuno sila ng kagalakan. Muling nag-asawa si Ruth at nagkaroon ng anak, “Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David” (4:17). Naitala rin ito sa talaan ng mga lahi ni Jesus (Mateo 1:5).
Hindi man natin lubos na maunawaan ang pagkilos at kahabagan ng Dios, kumikilos Siya sa paraang mamangha tayo. Kaya naman, patuloy tayong magtiwala sa Dios.