Humahagulhol si Jason nang iabot siya ng kanyang mga magulang kay Amy na siyang magbabantay sa kanya. Ito ang unang pagkakataon na mahihiwalay sa kanyang mga magulang ang dalawang taong gulang na si Jason. Kailangan kasing dumalo sa pagtitipon ng mga sumasampalataya kay Jesus ang magulang ni Jason.
Marami namang ginawang paraan si Amy para tumahan sa pag-iyak ang bata. Binigyan niya ng laruan, libro, kinarga at idinuyan. Pero lalo pang umiyak at humagulhol si Jason. Gayon pa man, naging payapa at tumahan si Jason nang sabihin ni Amy, “Nandito lang ako lagi sa tabi mo at sasamahan kita.”
Ganito rin naman ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad upang palakasin ang loob nila bago Siya ipako sa krus. “At hihilingin ko sa Ama na bigyan Niya kayo ng isang Tagatulong na sasainyo magpakailanman. Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan” (Juan 14:16-17). Nang mabuhay namang muli ang Panginoong Jesus, nangako Siya sa mga nagtitiwala sa Kanya, “At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo” (Mateo 28:20). Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, umakyat sa langit si Jesus pero ipinadala Niya ang Banal na Espiritu upang manahan sa mga mananampalataya.
Tutulungan at aaliwin tayo ng Banal na Espiritu sa panahon na nahihirapan tayo. Gagabayan Niya rin tayo sa panahon na hindi natin alam ang dapat nating gawin (Juan 14:26). Bibigyan Niya tayo ng pang-unawa upang lalo pa nating makilala ang Dios (Efeso 1:17-29). At tutulungan Niya tayo kung paano dumalangin sa panahon ng ating kahinaan (Roma 8:26-27).