Mabibili sa halagang 300,000 dolyar ang sports car na McLaren 720S. Maraming may gusto sa sasakyang ito dahil sa sobrang bilis nito. Kaya naman, nang may isang bumili, sinubukan niya na agad paandarin. Sa sobrang bilis ng sasakyan, ganoon rin kabilis itong nasira. Nabangga kasi siya sa isang puno kaya nasira agad ang bagong bili na sasakyan.
Sa Biblia naman, maraming kuwento ang may kinalaman sa puno. Isa roon ang kuwento ni Eba at Adan, nang kumain sila ng prutas na bunga ng isang puno at nagkaroon sila ng kasalanan (Genesis 3:11). Nagsisimula pa nga lang ang kuwento nila, sinumpa na agad ng Dios ang lupa (Tal. 14-19).
Isang puno ang naging dahilan sa pagkasumpa ng Dios sa lupa, may kinalaman din sa puno kung paano mawawala ang sumpa. At iyon ay noong ipinako si Jesus sa krus para iligtas tayo mula sa sumpa ng Dios. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, tinubos Niya tayo mula sa sumpa ng Dios (Deuteronomio 21:23, Galatia 3:13).
Sa huling kabanata naman ng Biblia, may binanggit ulit na puno. “Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay” (Pahayag 22:1-2). Inilarawan ni Juan na ang mga dahon ng punong iyon ay “ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa” (Tal. 2). At sinabi niya na “walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon” (Tal. 3). Sinumpa man tayo ng Dios dahil sa ating mga kasalanan, nagbigay pa rin Siya ng kasagutan upang mawala ang sumpa at si Jesus ang kasagutan na iyon.