Minsan, isinugod sa Ospital si Joe, dahil sa labis na kapaguran niya sa kanyang pagtatrabaho. Sobrang dami kasi ng ginagawa ni Joe. Gusto niya pa sana magpatuloy, pero hindi na kinaya ng kanyang katawan. Isang kaibigan naman ang nag-alok ng tulong para gumawa ng isang pagkakawanggawa para sa perang kailangan ni Joe pangbayad sa Ospital.
Noong una, tumatanggi pa siya, pero kalaunan napagtanto ni Joe na kailangan niya talaga ng tulong. Pagkalipas ng isang taon, inamin ni Joe na hindi magtatagumpay ang ginawa para sa kanya kung hindi dahil sa pagtulong ng kanyang kaibigan at sa pagkilos ng Dios sa kanilang buhay.
Hindi rin naman tayo ginawa ng Dios para mamuhay ng mag-isa. Sa Aklat ng Exodus sa Biblia, kinailangan din ni Moises ng tulong mula sa kanyang kapwa. Si Moises lang kasi mag-isa ang gumagabay sa mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Kaya naman, sinabi ng kanyang biyenan na si Jetro na “Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang” (Exodus 18:18). Hinikayat ni Jetro si Moises na ibahagi ang kanyang mga ginagawa sa mga pinagkakatiwalaan niyang tao. Tinanggap naman iyon ni Moises at nakaranas silang lahat ng kaginhawaan bilang isang pamilya ng Dios.
Sa panahon na mapapagtanto natin na tinutulungan tayo ng Dios sa pamamagitan ng pagtulong sa ating kapwa, makakaramdam tayo ng kaginhawaan at kapahingahan na nagmumula sa Dios.