Ayon sa mga mananalaysay, nagsimula ang Atomic Age noong Hulyo 16, 1945. Naganap ito nang pasabugin ang unang bombang gawa sa lakas ng atom sa isang disyerto ng New Mexico. Pero bago pa mangyari iyon, matagal nang sinasaliksik ng dalubhasang si Democritus (460-370 BC) ang tungkol sa lakas ng mga atom. Ang Atomic Theory ang naging bunga ng kanyang pagsasaliksik sa mga hindi nakikitang mga atom.
Itinuturo naman ng Biblia na ang pinakadiwa ng pananampalataya ay ang pagtitiwala sa mga bagay na hindi nakikita. Sinabi sa Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita.”
Hindi isang haka-haka ang katotohanang ito. Pinatotohanan nito na ang Dios ay nasa lahat ng dako kahit hindi Siya nakikita at ang sangnilikha ang katibayan na isa Siyang dakilang Manlilikha (Salmo 19:1). Makikita naman ang mga katangian ng Dios na hindi nakikita sa pamamagitan ni Jesus na Kanyang Anak. Pumarito si Jesus sa mundo upang ipakilala at ipahayag sa atin ang pagmamahal ng Dios Ama (Juan 1:18).
Hindi man natin nakikita nang mukhaan ang Makapangyarihang Dios, tandaan natin na Siya ang dahilan kung bakit tayo’y nabubuhay at nakakakilos sa mundong ito (Gawa 17:28). “Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita” (2 Corinto 5:7). Lagi nating kasama ang Dios sa lahat ng panahon, kahit hindi natin Siya nakikita.