Minsan, may mga nasasabi ang mga bata na makatutulong para mas maunawaan natin ang mga katotohanan tungkol sa Dios. Noong maliit pa ang anak ko, sinabi ko sa kanya ang isang katotohanan tungkol sa pananampalataya. Ipinaliwanag ko sa anak ko na kapag nagtiwala ang isang tao sa Panginoong Jesus, nananahan sa atin ang Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sinabi ko rin sa kanya na nananahan na sa aming katawan si Cristo Jesus. Tinanong naman ako ng aking anak, “Nasa tiyan ko rin ba ang Dios?" Sinabi ko sa kanya, “Hindi mo naman Siya nilunok, pero lagi mo Siyang kasama.”
Dahil sa sinabi ng anak ko, muling bumalik sa isip ko ang panahong nagtiwala ako kay Jesus bilang Tagapagligtas. Totoong nananahan na Siya sa akin. Lagi ko Siyang kasama sa lahat ng pagkakataon.
Nanalangin naman si Apostol Pablo para sa mga taong nagtitiwala sa Dios na nasa Efeso. Idinalangin ni Pablo na palakasin nawa ng Banal na Espiritu ang kanilang pananampalataya (Efeso 3:17). Dahil nananahan sa kanila si Jesus, ang dakilang pagmamahal ng Dios ay nasa kanila. At dahil naman sa pag-ibig na ito, tatatag ang kanilang pananampalataya. Matututo rin silang magmahal ng may kapakumbabaan at kahinahunan habang ipinapahayag nila ang pag-ibig ng Dios sa iba (4:2, 25).
Nananahan ang pag-ibig ng Dios sa mga taong nagtitiwala sa Kanya. Tunay na dakila ang pagmamahal ng Dios (3:19). At nais Niyang maranasan at ipahayag rin natin ito sa iba. Totoong minamahal tayo ni Jesus!