Sa loob ng labin-limang taon, naging lugar ng pagtitipon ang tindahan ni Mike Burden laban sa mga taong hindi nila kalahi. Nagbago lamang ang pananaw ni Mike nang tanungin siya ng asawa niya kung bakit siya sumasama sa grupong iyon. Napagtanto niya na mali ang kanyang ginagawa laban sa mga hindi niya kalahi. Dahil sa pagbabago ng kanyang pananaw, pinalayas ang pamilya ni Mike sa inuupahan nilang tirahan na pag-aari ng isang miyembro ng grupo.
Kanino sila hihingi ng tulong? Nakakagulat na pumunta si Mike sa isang pastor na hindi niya kalahi at binabatikos niya noon. Tinulungan naman ng pastor at ng buong simbahan ang pamilya ni Mike. Nagkaloob sila ng mga pagkain at lugar na matitirhan para sa pamilya ni Mike. Nang tanungin si Pastor Kennedy kung bakit agad sila tumulong, “Minahal ni Jesus ang lahat ng tao pati ang mga kaaway Niya. Kapag may taong nangangailangan, nararapat na tumulong tayo dahil ito ang nais ng Dios.” Nagpasalamat ang pamilya ni Mike sa kabutihan at pagmamahal na ipinakita sa kanila. Humingi rin si Mike ng kapatawaran sa mga masasamang sinabi niya noon laban sa kanila.
Kabilang sa mga itinuro ni Jesus ay ang pagmamahal sa mga kaaway natin. Sinabi ni Jesus, “Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo... Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo” (Mateo 5:42, 44). Kabaligtaran ito sa itinuturo ng mundo. Nagpapakita man ito ng kahinaan, pero ito ang nais ng Dios na gawin natin.
Ang Dios ang Siyang nagbibigay ng lakas sa atin para sundin ang mga utos Niya na madalas taliwas sa katuruan at kagawian ng mundo.