Sa mga nagdaang taon, iminumungkahi ng mga manunulat ng tungkol sa Dios na dapat muling sariwain ng mga taong sumasampalataya kay Cristo ang tunay na kahulugan ng pananampalataya. Sinabi ng isang manunulat na tila nawawala ang tunay na kahulugan ng isang salita kapag lagi itong ginagamit. Sinabi rin niya na maaaring malayo ang tunay na pagkakaunawa natin sa Magandang Balita kung hindi natin mauunawaan ang tunay na kahulugan ng pananampalataya.
Nagbigay siya ng suhestiyon para maiwasan ito. Ayon sa kanya, nararapat na laging balikan ang kahalagahan ng pananampalataya at ang Magandang Balita na tulad kung paano natin ito unang napakinggan.
Inalay naman ni Apostol Pablo ang kanyang buhay para maipahayag at lumaganap ang Magandang Balita (1 Corinto 9:22-23). Sinabi ni Pablo na patuloy siyang humihingi ng dalangin para pagkalooban siya ng Dios ng wastong pananalita para mas malinaw na maipahayag ang Salita ng Dios (Efeso 6:19). Ginagawa ito ni Pablo para hindi siya mapalayo at manatili sa tunay na kahulugan ng pananampalataya habang nangangaral siya.
Alam ni Pablo na nararapat manatili ang lahat ng mananampalataya sa pag-ibig at sa Salita ng Dios (3:16-17). Mas lalalim ang pagkakakilala, pagmamahal, at pagtitiwala natin sa Dios kung lagi nating babalikan ang mga katotohanan tungkol sa Kanyang dakilang ginawa para sa ating lahat.