Lubos ang kaligayahan ni Liz at ng asawa niya nang makuha na nila ang patunay ng kapanganakan pati pasaporte ng anak nila. Naging legal na ang pag-aampon nila. Magiging tunay na anak na nila si Milena. Magiging bahagi na siya ng pamilya nila. Habang binabalikan ni Liz ang proseso ng pag-aampon nila kay Milena, naisip niyang tayo naman ay tunay nang mga anak ng Dios sa oras na magtiwala tayo sa ginawa ni Jesus sa krus. Ayon kay Liz, “hindi na tayo pag-aari ng kasalanan at kahinaan.” Kabilang na tayo sa pamilya ng Dios. Pag-aari at anak na Niya tayo.
Noong panahon ni Apostol Pablo, kapag nag-ampon ang isang pamilyang Romano, mababago ang buong estado ng batang inampon. Makukuha niya ang lahat ng benepisyo at prebilehiyo na mayroon ang pamilyang umampon sa kanya.
Nais ipaunawa ni Pablo sa mga Romanong nagtitiwala sa Dios na ganito rin ang magiging kalagayan nila kapag nagtiwala sila kay Jesus. Hindi na sila nasa ilalim ng kasalanan. Mamumuhay na sila na ayon sa Espiritu (Roma 8:4). Ang mga taong namumuhay ayon sa Espiritu ay inampon na ng Dios (Tal. 14-15). Nagbago na ang kalagayan nila dahil kabilang na sila sa kaharian ng Dios.
Nagiging pag-aari na rin tayo ng Dios sa oras na magtiwala tayo kay Jesus bilang ating Dios at Tagapagligtas sa kaparusahan sa kasalanan. Kabahagi na tayo sa pamilya ng Dios at sa Kanyang kaharian. Hindi na rin natin kailangan pang mamuhay sa takot sa kaparusahan sa kasalanan dahil pinawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ginawang sakripisyo ni Jesus sa krus.