Bumisita kami ng kaibigan ko sa paborito kong pasyalan. Umakyat kami sa burol at naglakad sa bukid na puno ng mga bulaklak at matataas na puno. Tapos, bumaba kami sa isang lambak. Saglit kaming tumigil at nagpahinga. Napansin namin ang mga ulap sa ibabaw namin. Nakita din namin ang pag-agos ng isang malapit na sapa. Tanging ang nadidinig namin sa lugar na iyon ay ang paghuni ng ibon. Umupo kami saglit ng kaibigan. Namangha kami sa lahat ng nilikha ng Dios. Kaya naman, tumigil kami para pansinin ang mga ito.

Maganda ang epekto sa aming katawan ang ginawa naming pagpapahinga, pagpansin, at pagkamangha sa kalikasan. Ayon sa pag-aaral ng Unibersidad ng Derby, nakatutulong para mabawasan ang kalungkutan at pag-aalala sa tuwing pinagbubulayan at pinapansin ang kalikasan. Nagdudulot ito ng kalakasan sa katawan.

May maganda bang dulot ang pagpansin at pagpapahalaga sa mga nilikha ng Dios? Sinabi ni apostol Pablo na ipinapahayag ng sangnilikha ang kapangyarihan at katangian ng Dios (Roma 1:20). Sinabi rin ng Dios na tingnan at pansinin ni Job ang dagat, langit, at mga bituin na nagpapakita ng presensya Niya (Job 38-39). Nababawasan ang kalungkutan at pag-aalala natin kung maglalaan tayo ng panahon para pahalagahan ang mga nilikha ng Dios (Mateo 6:25-30). Pinapaalala ng mga ito ang kapangyarihan at kagandahang-loob ng Dios.

Patunay ng kadakilaan, kabutihan, at kapangyarihan ng Dios ang lahat ng nilikha Niya.