Matapos maoperahan ang kaliwang mata ko, sinabi ng doktor na dapat suriin ang paningin ko. Nakakaya kong magbasa kahit may takip ang kanang mata ko. Pero nang takpan na ang kaliwang mata ko, bigla akong napahinto. Hindi ko mabasa ang mga letra. Tila nabulag ako.
Binigyan naman ako ng doktor ng salamin para luminaw ang paningin ko. Bigla kong naihambing ang tagpong ito sa pagtingin at pananaw natin sa mga problema. Madalas, nakatuon tayo sa hirap na dulot ng mga ito. Hindi natin nabibigyang halaga ang katapatan ng Dios sa kabila ng mga pagsubok. Dahil sa maling pananaw, nawawalan tayo ng pag-asa at pinanghihinaan ng loob.
Sa Biblia naman, binanggit sa aklat ng 1 Samuel ang tungkol sa isang babae na tila nalimutan ang katapatan ng Dios. Nakatuon siya sa suliranin niya. Sa mahabang panahon, nanatiling walang anak si Hanna. Kaya naman, madalas siyang nililibak ni Penina, isa pang asawa ni Elkana. Kahit mahal ni Elkana si Hanna, hindi nawawala ang lungkot sa puso nito. Isang araw, taos-pusong nanalangin si Hanna sa Dios. Nakita ni Eli na isang pari, ang taimtim na pananalangin ni Hanna. Ipinaliwanag ni Hanna sa pari ang sitwasyon niya. Nang makaalis na si Hanna, nanalangin si Eli na pakinggan nawa ng Dios ang dalangin nito (1 Samuel 1:17). Hindi man agad nagbago ang kalagayan ni Hanna, pero nagkaroon ng pag-asa ang puso niya (Tal. 18).
Nagbigay ng bagong pananaw kay Hanna ang panalangin niya. Pinili niyang ipagkatiwala sa Dios ang sitwasyon niya.