Nakaupo sa tabi ko ang alaga kong aso. Nakatingin ito sa kawalan. Sigurado akong hindi nito iniisip ang kamatayan. Hindi nito inaalala ang hinaharap katulad natin. Kahit ano pa man ang edad at katayuan natin, tiyak na sumasagi sa isip natin ang tungkol sa kamatayan. Ayon sa Salmo 49:20, naiisip natin ang kamatayan at hinaharap dahil hindi tayo tulad ng mga hayop.
Meron tayong isip at pang-unawa. Nalalaman nating hahantong tayo sa kamatayan at hindi natin ito mapipigilan. Walang mayaman o mahirap ang makakatakas sa katotohanang ito. “Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan, kahit magbayad pa siya sa Dios” (Tal. 7).
Pero maganda ang pangako ng Dios sa mga taong nagtitiwala sa Kanya. Sinabi ng sumulat ng Salmo, “Ngunit tutubusin naman ako ng Dios mula sa kapangyarihan ng kamatayan. Tiyak na ililigtas Niya ako” (Tal. 15). Kung tayo ay nagtitiwala sa Dios, makakapiling natin Siya. Ayon kay Robert Frost, “Ang langit ay isang lugar kung saan makakapiling natin ang Dios.” Dahil sa pag-ibig ng Dios, ipinagkaloob Niya ang Anak Niyang si Jesus, “ibinigay Niya ang buhay Niya bilang pantubos sa lahat ng tao” (1 Timoteo 2:6). Nangako rin si Jesus na kapag dumating na ang takdang oras natin, sasalubungin Niya tayo para makapiling na natin Siya (Juan 14:3).
Kapag dumating na ang huling sandali ng ating buhay sa mundo, alam nating sasalubungin tayo ng Dios nang buong puso. Habang-buhay na natin Siyang makakapiling sa langit.