Kapag ipinipikit ko ang mga mata ko, muli kong naaalala ang kabataan ko. Naaalala kong tinitingnan namin noon ng tatay ko ang mga bituin sa kalangitan. Salitan kaming sumisilip sa teleskopyo para makita ang mga nagniningning na mga bituin. Namumukod-tangi ang liwanag ng mga ito sa likod ng madilim na kalangitan.
Maituturing mo bang isa kang maningning na bituin? Hindi ko tinutukoy ang mga bagay na naabot at nakamtan mo sa buhay. Sa halip, ang paninindigan mo na manatiling nasa liwanag o mabuti sa kabila ng madilim o masamang mundong ito. Ganito rin naman ang paalala ni Apostol Pablo sa mga mga taga-Filipos. Sinabi niya na “panindigan nila ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” Sinabi rin niya na gawin nila ang lahat ng mga bagay nang walang reklamo o pagtatalo (2:14-16).
Nagbibigay liwanag sa buhay natin ang tunay na pagtitiwala kay Cristo. Ito ang pagkakaiba natin sa mga taong hindi nagtitiwala sa Kanya. Kung minsan, nakararanas tayo ng mga pagsubok sa buhay. Dahil dito, nalalayo tayo sa Dios. Nagiging makasarili tayo at lumalayo sa piling ng ibang taong nagtitiwala rin sa Dios.
Pero mabuti ang Dios. Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu na magpigil sa sarili, maging mabuti, at magkaroon ng pananampalataya (Galacia 5:22-23). Sa tulong ng Dios, makakaya nating mamuhay ayon sa nais Niya (Filipos 2:13). Kung ang bawat nagtitiwala sa Dios ay magiging tulad na “maningning na bituin” sa tulong ng Espiritu, siguradong magliliwanag tayo sa madilim na mundong ito!