Sa aklat na Human Universals na isinulat ng antropologong si Donald Brown, mayroon daw halos apat na raang iba’t ibang uri ng ugali ang mga tao. Nakasaad din sa libro ang konsepto ng tama at mali. Ayon kay Brown, kabilang sa mga mabuting gawain ang pagtulong sa iba at pagtupad sa mga pangako. Maling gawa naman ang hindi pagpapatawad at pagpatay. Ayon din sa kanya, may konsensya tayong lahat. Nagiging gabay natin ito sa pagkilala kung tama o mali ang isang bagay.
May ganito rin namang nais iparating si Apostol Pablo, ilang daang taon na ang nakakalipas. Pinagkalooban ng Dios ang mga Israelita ng Sampung Utos upang maging gabay para malaman ang tama at mali. Ayon naman kay Pablo, gumagawa ng tama ang mga Hentil dahil sinusunod nila ang konsensya nila. Pero nakasulat na sa mga puso nila ang mga utos ng Dios (Roma 2:14-15).
Hindi naman ibig sabihin nito na laging tama na ang ginagawa nila. May mga pagkakataong hindi rin nila sinusunod ang konsensya nila (1:32). Hindi rin naman nasusunod ng tapat ng mga Israelita ang utos ng Dios (2:14-15). Parehong may kasalanan ang dalawang grupo. Pero dahil sa pananampalataya nila kay Jesus, pinatawad na Niya ang mga kasalanan nila (3:23-26; 6:23).
Nalalaman natin kung ano ang tama at mali dahil sa konsensyang ipinagkaloob ng Dios. Dahil din dito, nakadarama tayo ng kalungkutan sa tuwing nagkakasala tayo. Sa oras naman na humingi tayo tawad sa Dios, agad Niyang pinapawi ang mga ito. Nais Niya lamang na lagi tayong lumapit sa Kanya.