“Lagi ko Siyang tinatakasan, sa araw at gabi.” Ito ang unang linya ng sikat na tulang “The Hound of Heaven” na isinulat ni Francis Thompson. Inilarawan dito ni Thompson kung paanong hindi tumitigil ang pagmamahal ng Panginoon sa atin kahit pa palagi tayong tumatakbong palayo sa Kanya.
Ang pagmamahal at pagsuyo naman ng Dios ang tema ng Aklat ng Jonas sa Biblia. Inutusan noon ng Dios si Propeta Jonas na pumunta sa bayan ng Nineve na kaaway ng Israel para ipahayag ang salita ng Dios. Iniutos ng Dios na nararapat magbalik-loob ang mga taga-Nineve sa Kanya. Pero “tumakas agad sa Panginoon si Jonas” (Jonas 1:3). Sumakay siya ng barko patungo sa ibang lugar na palayo sa Nineve. Pero nagkaroon ng napakalakas na bagyo habang naglalakbay ang barkong sakay si Jonas. Para masagip ang lahat ng sakay ng barko, nagkasundo sila na itapon si Jonas sa dagat. Nagpadala naman ang Dios ng malaking isda para lunukin si Jonas (1:15-17).
Dahil sa naging karanasan niya sumulat ng magandang tula si Propeta Jonas. Kahit pilit siyang sumuway sa utos ng Dios, hindi nagbago ang pagmamahal ng Dios sa kanya. Hindi tumigil ang Dios sa pagsuyo kay Jonas. Nang napagtanto ni Jonas na kailangan niya ang Dios dahil sa kalagayan niya, tumawag at nanalangin siya sa Dios (2:2, 8). Agad namang sumagot ang Dios. Iniligtas Niya si Jonas pati ang mga kalaban ng bayan nila (3:10).
Ang tula ni Thompson at ni Jonas ay parehong nagsasabi na tumakbo tayo palayo sa Dios sa tuwing may mabibigat na problema. Gayon pa man, hindi tumitigil ang Dios sa pagsuyo at pagmamahal sa atin.