Noong taong 1960, dalawang tao ang sumali sa isang pag-aaral tungkol sa epekto ng dilim sa isip ng tao. Pumasok sila sa magkaibang kweba. Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang paraan nila kung paano kumain at matulog sa dilim. Ang isa sa kanila ay nanatili sa madilim na kuweba sa loob ng 88 araw. Ang isa naman ay nanatili ng 126 araw. Tinitingnan nila pareho kung paano sila tatagal sa loob ng dilim.

Nakaranas din naman ang mga Israelita ng panahon ng dilim noong bihag sila. Naghihintay sila kung anong mangyayari sa kanila. Ginamit ni Propeta Isaias ang dilim bilang paghahambing tungkol sa sitwasyon nila at paghatol ng Dios (Isaias 8:22). Nauna na ring nakaranas ang mga taga-Ehipto ng kadiliman bilang parusa sa kanila ng Dios (Exodus 10:21-29). Ngayon naman, ang bayan ng Israel ang nakakaranas ng kadiliman dulot ng pagkabihag nila.

May liwanag namang darating sa gitna ng kadilimang nararanasan ng Israel. “Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag; kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila” (Isaias 9:2). Matatapos rin ang paghihirap ng mga Israelita. Isang Tagapagligtas ang darating. Siya ang magbibigay liwanag sa buhay nila. Magkakaroon sila ng kapatawaran at kalayaan (Tal. 6).

At totoong dumating si Jesus! Maaari din namang balutin ang buhay natin ng kadiliman dulot ng mga suliranin. Pero lagi tayong makakaasa sa pagtulong at pagpapatawad na si Cristo lamang ang nagkakaloob.