Dinala ng isang babae ang keyk patungo sa kahera. Kasama niyang binili ang birthday card at iba pang pagkain. Tila pagod na pagod ang babae. Kasama niya ang umiiyak niyang anak sa tabi niya. Nang sabihin na ng kahera ang presyo ng lahat ng binili niya, nalungkot ang babae. “Siguro kailangan kong ibalik ang iba kong pinamili. Para sana sa kaarawan niya ang mga ito.” Malungkot na tumingin ang babae sa anak niya.
Isang mamimili ang nasa likod ng babae habang nasa pila. Nakita niya ang lungkot sa mukha ng nanay. Katulad ng tagpong ito ang sinabi ni Jesus kay Maria na taga Betania: “Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya” (Marcos 14:8). Kinutya si Maria ng mga tagasunod ni Jesus matapos niyang buhusan ng mamahaling pabango ang katawan ni Jesus bago ang kamatayan Niya.
Pero pinagsabihan ni Jesus ang mga tagasunod Niya at pinuri ang ginawa ni Maria. Hindi sinabi ni Jesus na “Ginawa niya ang lahat.” Sinabi Niya na, “Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya.” Hindi mahalaga ang presyo ng pabango. Mas mahalaga ang puso at pagmamahal ni Maria para kay Jesus. Nagbunga ng pagmamahal ang tunay na pagtitiwala ni Maria kay Jesus.
Sa pangyayari naman ng namimiling babae, bago pa ito tumutol, agad nang binayaran ng kasunod niyang namimili ang lahat ng bilihin niya. Ginawa ng mamimili ang makakaya niya para sa babae. Pero isa na itong napakalaking bagay para sa nanay. Nakaranas ang babae ng dakilang pagmamahal mula sa iba. Pero higit na dakila sa lahat ang pag-ibig ng Dios sa atin.