Masayang hinihintay ng tribong Kandas mula sa Papua New Guinea ang pagdating ng Bibliang isinalin sa wika nila. Pero, kailangang dumaan sa karagatan ang maliliit na bangka sakay ang mga taong may dala ng mga Biblia. Ano ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga ito para maglakbay sa mapanganib na dagat? Maliban sa sanay silang magpalaot, nakikilala nila kung sino ang lumikha ng dagat. Ang Dios na lumikha ng dagat ay Siya ring gumagabay sa atin. Sinisigurado Niyang ligtas tayo sa pagsubok sa buhay na tila malalakas na bagyong humahagupit sa atin.
Isinulat naman ni Haring David sa kanyang Salmo na lagi tayong ligtas sa presensya ng Dios. Sinabi ni David, “Paano ba ako makakaiwas sa Inyong Espiritu?” (Salmo 139:7) “Kung pupunta ako sa langit, nandoon Kayo...At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran, Kayo ay naroon din upang ako’y Inyong patnubayan at tulungan” (Tal. 8-10).
Totoo para sa mga taga-Kandas ang salmo ni David. Itinuturing na “The Last Unknown” ang lugar nila dahil marami pang mga tanawin doon ang hindi pa nararating ng tao. Pero ang mga nagtitiwala sa Dios sa lugar ng Kandas ay naniniwalang walang lugar o bagay ang hindi alam ng Dios. “Kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa Inyo, Panginoon, at ang gabi ay parang araw. Dahil para sa Inyo, pareho lang ang dilim at liwanag” (Salmo 139:12).
Hindi tayo dapat matakot sa mga problemang tila bagyo na dumarating sa ating buhay. Makapangyarihan ang Dios at Kaya Niyang patigilin kahit ang alon at hangin. Sinabi Niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Lagi tayong tutulungan at ililigtas ng Dios.