Itinuturing na pinakamalalim na lawa sa buong mundo ang Lawa ng Baikal. Binubuo nito ang halos 1/5 ng lahat ng sariwang tubig sa mundo. Pero hindi madaling mapuntahan ang Lawa ng Baikal. Matatagpuan ito sa Siberia, isa sa pinakamalayong lugar sa bansang Russia. Nakakatuwang isipin na nasa isang tagong lugar ang lawang iyon, gayong napakaraming tao sa mundo ang nangangailangan ng malinis na tubig.
Kahit pa natatago at malayo ang Lawa ng Baikal, mayroon naman tayong mapagkukunan ng tubig na palaging magagamit at madaling mapuntahan ng mga nangangailangan nito. Habang nasa Samaria, kinausap noon ni Jesus ang babaeng kumukuha ng tubig sa isang balon. Tinanong ni Jesus ang babae kung ano ang makapapawi ng pagkauhaw ng puso niya. Tanging si Jesus lamang ang solusyon sa hirap na nararanasan niya.
Pansamantala lamang na makapapawi ng pagkauhaw ang tubig na kinuha ng babae mula sa balon. Pero iba ang alok at kaloob ni Jesus. “Ang lahat ng umiinom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay Ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay Ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan” (Juan 4:13-14).
Maraming bagay ang ipinapangako ng mundo na papawi sa mga nauuhaw nating puso. Pero tanging si Jesus lamang ang magpupuno sa buhay natin. Walang hanggan ang kagandang-loob at pagmamahal Niya.