Si Yuri Gagarin ang unang taong nakapunta sa kalawakan. Matapos siyang pumunta rito, lumapag siya sa isang kanayunan sa bansang Russia. Isang babae ang nakakita sa kanya habang suot pa niya ang kanyang helmet at parachute. “Hindi kaya galing ka sa kalawakan?” tanong ng babae. “Sa katunayan, doon ako nanggaling” sagot ni Yuri.
Sa kabila ng makasaysayang nakamit ni Gagarin, itinuring ng pamahalaan nila na wala itong kabuluhan. “Pumunta si Gagarin sa kalawakan pero hindi niya nakita ang Dios doon.” Pero walang ganoong sinabi si Gagarin. Ayon naman kay C. S. Lewis, “Kung hindi natagpuan ng tao ang Dios dito sa mundo, malamang na hindi rin niya matatagpuan ang Dios sa kalawakan.”
Nagbigay naman ng babala si Jesus sa mga taong hindi nagtitiwala sa Kanya. Ikinuwento ni Jesus ang tungkol kay Lazarus at sa isang lalaking mayaman (Lucas 16:19-31). Dahil sa matinding hirap sa impiyerno, nakiusap ang mayamang lalaki kay Abraham. Nais ng mayamang lalaking maligtas ang mga nabubuhay pa niyang kapatid. Sinabi niya, “Ipadala mo po si Lazarus. Kung may patay po kasi na muling mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon” (Tal. 27, 30). Napagtanto ni Abraham ang pinakaproblema: “Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit may patay pa na muling mabuhay at mangaral sa kanila” (Tal. 31).
Ayon naman kay Oswald Chambers, hindi na mababago ang matibay na paniniwala natin kahit pa may ibang bagay o taong manghikayat sa atin.