Hindi kilala bilang mga bayani ang apat na pastor na sakay ng isang lumubog na barko. Pero noong Pebrero 1943, panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, ginawa ng apat na pastor ang lahat para palakasin ang loob ng mga natatakot na sundalo.
Nang maubos na ang life jacket agad nilang hinubad ang kanilang suot at ibinigay ito sa mga kabataang lalaki na natatakot. Pumunta pa sila sa baba ng barko para masagip ang iba. Ayon sa isang nakaligtas sa trahedya, “Ang kabutihan at pagmamahal na ipinakita ng apat na pastor ang isa sa pinakamagandang bagay na nasaksihan ko.” Kahit palubog na ang barko, nanalangin nang taimtim ang mga pastor. Patuloy pa rin nilang pinalalakas ang loob ng mga kasamahan nila.
Nagpakita ng kahanga-hangang katapangan at pagmamahal ang apat na pastor. Ganito rin naman ang sinabi ni Apostol Pablo sa mga taong nagtitiwala kay Cristo na nasa Corinto. Nakararanas ang mga taga-Corinto ng matinding pagsubok sa buhay. Dahil sa kaguluhan, katiwalian at kasalanan na umiiral sa kanilang lugar, hinihikayat sila ni Pablo na, “Maging listo at magpakatatag sa pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay (1 Corinto 16:13). Dinagdag pa niya, “At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig” (Tal. 14).
Nais ng Dios na magpakita tayo ng pagmamahal at pagmamalasakit sa iba. Puno man ng paghihirap ang buhay natin, nais pa rin ni Cristo na magpakita tayo ng dakilang pagmamahal sa kapwa.