Kung may sapat na sinag ng araw at tubig, maraming mga magagandang ligaw na bulaklak ang tutubo sa kabundukan ng Antelope Valley at Figueroa Mountain na nasa California. Pero anong mangyayari sa mga halamang ito kung panahon ng tagtuyot? Ayon sa mga dalubhasa, nag-iimbak ang mga halamang ito ng mga buto sa ilalim ng lupa. Hindi nila itinutulak ang mga ito paibabaw para mamunga. Matapos ang tagtuyot, muling mamumunga at dadami ang mga butong inimbak nila.
Tila ganito rin naman ang nangyari sa mga Israelita na nasa Egipto noon. Sa kabila ng mahirap na pamumuhay, patuloy silang dumarami nang dumarami. Pinagtatrabaho sila ng mabigat at pinagmamalupitan.
Tinangka pa ng hari ng Ehipto na patayin ang mga sanggol na lalaki para pigilan ang pagdami nila. Pero hindi sila pinabayaan ng Dios. “Habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto” (Exodus 1:12). Ayon sa mga mag-aaral ng Biblia, tinatayang 2 milyon ang kabuuang bilang ng mga Israelita, kabilang ang mga lalaki, babae, at bata noong nasa Egipto sila. Hindi sila pinabayaan ng Dios.
Ang Dios na Siyang gumabay sa mga Israelita noon ay Siya ring Dios na gumagabay sa atin ngayon. Palaging nariyan ang pagtulong Niya. Maaaring nagkakaroon tayo ng takot at alinlangan sa kung ano ang maaaring mangyari sa buhay natin. Pero lagi tayong makakaasa sa pangako ng Dios, “kung dinadamitan ng Dios ng ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya?” (Mateo 6:30)