Habang umaakyat ng bundok, natagpuan ni Adrian ang sarili niyang napapalibutan ng mga ulap. Nasa bandang likuran niya ang sinag ng araw. Kaya naman, hindi lamang anino niya ang nakikita niya kundi ang napakaganda at napakaliwanag na Brocken spectre. Tulad nito ang isang bahaghari na pumapalibot sa anino ng isang tao. Nagaganap ito kapag ang sikat ng araw ay nasasalamin sa mga ulap. Isang kamangha-manghang tagpo iyon kay Adrian. Napakasaya niya.
Matinding kalagakan din marahil ang nadama ni Noe nang masaksihan niya ang kauna-unahang bahaghari. Maliban sa magagandang kulay nito, sumisimbolo ito sa tapat na pangako ng Dios sa mga tao. Matapos ang malaking baha, nangako ang Dios kay Noe at sa lahat ng natitira Niyang nilikha na hindi na Niya lilipuling muli ang mundo sa pamamagitan ng baha (Genesis 9:15).
Nakararanas pa rin naman ang mundo ng matitinding mga baha at bagyo na nagreresulta sa mga trahedya. Pero, nagsisilbing paalala ang bahaghari sa tapat na pangako ng Dios para sa mundo. Hindi na muli Niya ito sisirain sa pamamagitan ng baha.
Masasaksihan din naman natin ang katapatan ng Dios sa mga buhay natin. Nakararanas man tayo ng mga suliranin sa buhay – kamatayan, karamdaman, sakuna, pagkakasala, o pagtanda, makakaasa naman tayo sa paggabay at pagkilos ng Dios. Tapat ang Dios sa Kanyang pangako sa bawat isa sa atin sa lahat ng panahon.