Nasaksihan ng isang mamumundok ang huling pagsikat ng araw sa buhay niya habang nasa tuktok ng Bundok ng Everest. Napagtagumpayan niya ang mapanganib na pag-akyat ng bundok. Pero dahil sa sobrang taas nito, tila napagod ang puso niya. Namatay siya habang pababa ng bundok. Pinaalalahanan naman ng isang dalubhasa sa medisina na huwag iisipin ng isang mamumundok na isang tagumpay ang makarating sa tuktok ng bundok. Kailangan niyang makababa agad dahil mapanganib na lugar ang tuktok nito.

Maihahambing naman si Haring David sa isang namumundok na matagumpay na nakarating sa tuktok ng bundok. Napatay ni David ang mga leon at oso. Pinatumba rin niya si Goliath. Nakaligtas siya sa tangkang pagpatay sa kanya ni Haring Saul. Natalo rin ni David ang mga Filisteo at mga Amonita. Napagtagumpayan itong lahat ni David.

Pero nalimutan ni David na laging may kasamang panganib ang bawat tagumpay. Nasa rurok si David ng tagumpay niya dahil, “pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pupuntahan niya” (2 Samuel 8:6). Gayon pa man, nalimutan ni David na magpakumbaba. Nagkasala si David sa Dios dahil pangangalunya at pagpatay. Nasilaw siya sa tagumpay na taglay niya.

Mahirap magkaroon ng mababang-loob kung patuloy ang papuring natatangap natin mula sa tao at maging sa Dios (7:11-16). Pero, nararapat na maging mapagpakumbaba tayo sa lahat ng pagkakataon. Ang Dios ang nagkakaloob ng bawat tagumpay sa buhay natin. Humingi tayo ng tulong sa Dios para manatiling mapagpakumbaba sa bawat sitwasyon ng buhay natin.